Thursday, March 31, 2011

Isang Kuha sa "Anak" (Rory Quintos, 2000)

Ito ay mula sa pelikula ni Rory Quintos.

Natapos na ang madamdaming paghaharap nina Vilma Santos at Claudine Barretto bilang isang ina at anak na may kinikimkim na sama ng loob sa isa't-isa. Ibinuhos ni Vilma ang kanyang nararamdamang pangungulila kay Claudine sa mga panahong wala siya sa bansa. Humingi siya ng pang-unawa sa anak.

Matapos nang mabigat na tagpong iyon ay nagsumamo si Claudine sa ina. Simpleng pagtitimpla lang niya ng kape ay nangangahulugan na na humihingi siya ng tawad. Ito ang kanyang peace offering. Ito ang kanyang pagtaas ng white flag.

Pinaliwanag niya ang kanyang nararamdaman. Humingi rin ng tawad si Vilma sa kanyang mga naging pagkukulang sa anak.

Umiyak si Claudine. Sa eksenang ito ay maaaring hinayaan niya lang tumulo ang kanyang luha. O di kaya'y panahid ng kamay ang luha. Subalit pinili ni Rory Quintos ang ganitong kilos. Bakit kaya?

Dito lumabas na kahit pa maraming pinagdaanan si Claudine sa kanyang buhay, nananatili siyang bata na nangangailangan ng kalinga ng kanyang ina. Para siyang isang bata rito na nagsusumbong sa kanyang ina; naghihintay na yakapin siya upang maibsan ang sakit ng kanyang kalooban. Ito naman talaga ang kanyang hinaing sa ina. Wala ito sa mga panahong nagdadalaga siya at nangangailangan ng gabay ng ina. Nahinog siya nang pilit. Magkagayu'n man, di niya ito matatakasan. Babalik at babalik siya sa pagkabata.

Ganito ka-importante ang isang galaw sa pelikula. Parang isang painting na naglalaman ng malalim na kahulugan. A good director knows that.

No comments: