Saturday, April 13, 2013

Ang Mukha Ng Bading Sa Pelikulang Filipino Sa Bagong Milenyo

A Paper On Queer Cinema Course In UPD

Malaki na ang pinagbago ng mukha ng bading sa pelikulang Filipino simula ng lumabas sila sa mga katatawanang pelikula noong dekada singkwenta. Nagpumiglas na sila sa kahon ng pagiging malambot, parlorista, at cross-dressers hanggang sa pagiging everyday Joe na ang gawi ay tulad ng isang straight na lalaki.

Nag-ibang anyo at kilos man, nagbagong tunay nga ba ang portrayal ng pagiging bading sa Pelikulang Pilipino?

Ang mukha ng bading sa pelikulang Filipino ay nag-transform mula kina Facifica Falayfay (Dolphy) at Petrang Kabayo (Roderick Paulate) noong ‘60s at ‘80s, sa mga karakter ni Lino Brocka at mga derivatives nito kung saan napapaloob ang kwento ng buhay nila sa mundo ng mga nagbebenta ng aliw noong ‘80s-‘90s, hanggang sa pag-emerge ng mga (initially) self-loathing gays ni Cris Pablo ngayong ‘00s, kasama si Maxie (Nathan Lopez) ni Aureaus Solito, ang batang bading, at sina Mark (Luis Manzano) at Noel (John Lloyd Cruz) ni Olivia Lamasan, ang working class, straight-acting gays sa pagtatapos ng dekada. Ang mga karakter ng mga bading ay nagbabago depende sa may gawa nito at ang kanilang mga karanasan sa pagiging bading o pakikisalamuha sa kanila.

Sa mainstream cinema, sumulpot si Gerry (Ricky Davao) sa “American Adobo” (Laurice Guillen, 2003), isang working class citizen sa US na produkto ng Martial Law sa Pilipinas. Hindi siya lantad sa kanyang mga kaibigan maliban sa isa. May bahid man ng pagkamalambot, papasa pa ring siyang straight sa mundo ng mga heterosexual. May kinakasama siyang lover na may sakit na AIDS. Hanggang sa pumanaw ito, siya ang nag-alaga rito. Dito ipinakita ang pagiging maalaga at loyal ng mga bading pagdating sa pag-ibig.

Hindi man stereotyped na bading si Gerry, ang mundo naman niya ay punong-puno ng stereotypes: tulad na lamang ng sakit ng kanyang lover na associated as gay disease. Sa huli ay mag-isa pa rin siya sa mundo ng mga “couples.”

Sa pelikulang “Minsan, Minahal Kita” (Lamasan, 2000), si Jackie (Carmina Villaroel) ay isang lantad na lesbyana na may kinakasamang babae. Dahil dito ay itinuring siyang abnormal ng kanyang ina at halos ikumpara ito sa pakikiapid ng kanyang kapatid na si Diane (Sharon Cuneta), may asawa, sa isa pang may asawa, na isang imoral na gawain. Ang mas matindi pa rito ay itinuring na siyang patay ng kanyang ina. Hanggang sa matapos ang pelikula ay hindi na niya naitaas ang tingin ng kanyang ina sa kanyang pagkatao.

Kahit ganu’n man ang nangyari, maligaya siya sa kanyang relasyon sa kanyang kasintahan. Isa itong positibong pagtingin sa lesbian relationship dahil ang mga heterosexual relationship sa kanyang paligid ay nagkakasira. Maging ang kanilang ina ay nagtiis sa kanyang naging dalawang asawa just to stay married and be at a “straight” path. Sinasabi nitong hindi baleng maging miserable basta’t nasa itinuturing na “tamang daan” na hindi sinang-ayunan ni Jackie. Hindi niya kayang maging miserable sa isang bagay na alam niyang hindi magpapasaya sa kanya. Isa itong empowering image para sa mga lesbyana.

Sina Mark at Noel sa “In My Life” (Lamasan, 2009) ay nagpakita ng kaibang pagganap ng mga bading. Straight-acting sila at nasa isang give-and-take relationship. May active-passive roles na gaya sa mga heterosexual relationship, subalit nagdadamayan bilang magkatuwang sa buhay. Walang nanggagamit at walang nagpapagamit.

Gayon pa man, ang may gawa nito (Star Cinema) ang siyang nagtakda sa kung ano ang dapat ipakita sa manonood sa sinehan ukol sa kanilang relasyon. Ang theatrical version ng pelikula ay tinanggalan ng mga key (intimate) elements sa relasyon ng dalawa onscreen (na mapapanood sa DVD nito) na parang sinasabing hindi pa handa ang mga manonood para sa mga ganu’ng bagay. Kaya naman pagdating sa “hyped-up kiss” sa may tulay ay naghagikgikan ang mga (straight na) manonood. Bilang isang bading, pagtatakhan mo kung bakit kailangang pagtawanan ang isang bagay na natural lamang sa nagmamahalan. Ito nga ay dahil sa ang mga producer na mismo ang naglilimita sa mga maaring ipanood sa audience at nagdidikta sa kung ano ang matanggap nila at hindi. Imbes na kakitaan tuloy ng lambing at pagmamahalan ang eksenang iyon, naging katawa-tawa ito sa mapanuring manonood. (Isa rin ito sa dahilan kung bakit hindi nagma-mature ang ating audience.)

Bukod pa sa nabanggit, ramdam ko rin na may implikasyon din ang naging sakit ni Mark—colon cancer na nag-ugat na rin mismo sa pagkakaroon nito madalas ng diarrhea nu’ng bata pa ito. Sinasabi ba nito subtly na may kinalaman ang sakit niya sa bahagi ng katawan na ginagamit niya for sexual pleasure? At nakaligtas man si Mark sa sakit na ito ay namatay naman siya sa ibang paraan, thus leaving Noel alone just like Gerry. Sinasabi ba nitong walang nagtatagal sa mga relasyon ng bading? Na sa huli ay iiwan ka pa rin ng minamahal mo? (I might be reading too much into it, but it’s how I see it. We should really be careful with what we put out there.)

(Sabi ng prof ko, a butt or a penis is likely to be seen on screen rather than a kiss between two men. This is because a kiss is threatening to a straight audience, from "The Celluloid Closet." A kiss elicits a strong emotional response from an audience. Kapag ba kinilig ang mga straight, ibig sabihin ba nito ay bading na rin sila? If they enjoyed it, does it mean that they are encouraging it? Magkaka-possibility rin ba na pwede nila itong gawin?)

Subalit tulad nga nang sabi ng karakter ni John Lapus na si Toffee sa “Here Comes the Bride” (Chris Martinez, 2010) kung saan pumasok siya sa katawan ng isang babae at ayaw na niyang lisanin ito, “Hindi n’yo ako maiintindihan dahil hindi kayo bakla!” Ang mga naturang filmmakers ay straight kaya hindi nila maka-capture ng buo ang sensibilities ng pagiging bading. (No matter how much they are surrounded by gays. The same way that gays won't truly understand how it is to be straight.)

Sa independent cinema, nangahas gumawa ng mga pelikula si Pablo ng mga kwento tungkol sa mga bading para sa bading na gawa ng isang bading. Sa kanyang mga naunang pelikula (“Duda,” 2003; “Bath House,” Bilog,” 2005), ang bading ay laging may pangangailangan na ipaliwanag ang kanyang sarili sa mundong kanyang ginagalawan at sa kanyang manonood. Kadalasan ay binibigyan niyang dahilan ang kanyang pagiging bading at humihingi ng pang-unawa sa kanyang pagkatao. Sinasabi nitong hindi kasalanan ng isang tao ang pagiging bading kaya hindi siya dapat itatwa, hamakin, at pagtawanan ng lipunan. Subalit bakit ka hihingi ng simpatya sa mga tao kung alam mong hindi mo ito isang pagkakamali? At bakit ka magpapaliwanag sa kapwa mo bading? Ito ba ay tangkang itaas ang moral ng mga bading o sadyang tina-target ang mga straight audience?

Isa sa kapuri-puri na gawa ni Pablo ay pagpapakita niya ng halos lahat ng klase ng bading sa kanyang mga pelikula—effeminate, straight-acting, butch, pa-mhin, parlorista, cross-dressers, etc. Hindi niya nililimitahan ang sarili niya sa iisang klase ng bading, bagkus ay piniprisinta ang iba’t-ibang mukha ng bading. Well-represented, ‘ika nga kahit pa stereotyped kung minsan.


(Yes, very diverse ang mundo ng mga bading. No wonder na nawi-windang ang mga straight sa kanila! Hindi na sila mailagay sa iisang description.)

Nagbago naman ang takbo ng kwento ng mga sumunod na pelikula ni Pablo. Subalit natuon ito sa mga sexual escapades ng mga bading kahit pa wala itong ganoong kwento. Dito ay napagsamantalahan niya hindi lamang ang kanyang mga artistang handang maghubad for a price, maging ang mga bading na manonood na handang gastusin ang kanilang pinaghirapang pink money para lamang sa makapanood ng hubarang lalaki sa lalaki onscreen. Maituturing na itong softcore porn na hindi lamang si Pablo ang may gawa kundi ang iba pang nagsulputang gay filmmakers.

(Like what my professor asked, is it a matter of quantity or quality? Enough ba na maraming kwentong bading sa pelikula? Kung minsan nga ay nilalagyan na lang ng gay angle ang isang istorya para lang bumenta sa mga bading. "In My Life," in the end, is not about the gay couple, but a mother's journey in aging life.)


Noong 2005 ay lumabas ang isang well-adjusted na bading sa pagkatao ni Maxie. Siya ay isang teenager na walang hang-ups sa kanyang pagiging bading. Maging ang barako niyang pamilya (ama at dalawang kapatid) ay walang problema sa kanyang pagkatao at itinuturing pa siyang prinsesa. Kailanma’y hindi sila naringgan ng masasamang salita ukol kay Maxie.

Isa rin siyang contributing individual sa komunidad dahil sa pagtulong na ginagawa niya sa kanyang kapwa. Maliban sa pagiging inexperienced sa pag-ibig, wala na siyang intindihin pa sa mundo.

Sa pelikulang “Ang Pagdadalaga Ni Maximo Oliveros,” ipinakita ni Solito ang mundo kung saan kabilang ang bading sa isang pamilyang nagmamahalan. Walang pangungutya at hindi siya tino-tolerate lamang kundi tanggap siya ng lubusan. Sila rin ang maituturing na bagong mukha at henerasyon ng mga bading kung saan hindi kunukwestiyon ang kanilang sekswalidad, bagkus ay pinangangalagaan at pinagyayabong.

(Maximo has broke barriers din sa audience. Straight man o bading, natuwa sa kanyang kuwento. Bakit nagkaganito? Dahil pinakita si Maximo bilang isang harmless na bading. Maternal pa nga ang kanyang characterization. Inalis nito ang stigmatized character ng mga bilang sa pelikula bilang monters o victimizers. The question is, is it good or bad when you make the gay a non-sexual character?)

Subalit malaking bagay rin ang mundong kinabibilangan ni Maxie sa pagtanggap sa kanya. Siya ay napapabilang sa mga mahihirap kung saan, kadalasan sa totoong buhay, ang mga tulad niyang bading ang siyang nag-aakyat ng pera sa pamilya. Dahil dito, ang kabadingan ay hindi nakukuwestiyon dahil sa naidudulot nilang tulong sa pamilya. Ito nga ba ang tunay na mukha ng pagtanggap?


Ang mukha ng kabadingan ay patuloy na nagbabagong-anyo sa pelikulang Filipino tulad na lang sa pagtuklas ng mga tao na may iba’t-ibang mukha talaga ng bading sa tunay na buhay. Kay Jay Altajeros (“Ang Lalake Sa Parola,” 2007; “Little Boy/Big Boy,” 2009), ang kanyang mga bading ay straight-acting, working class individuals na mula sa middle-class families. Wala siyang isyu sa kanyang sekswalidad. Nagagawa niya ang kanyang gusto. Tulad ng ibang heterosexuals, problema niya rin ang pananatiling malakas ang relasyon sa kanyang kasintahan.


Kay Joel Lamangan (“Walang Kawala,” 2008; “I Luv Dreamguyz,” 2009), ang kanyang mga bading ay mula sa struggling class kung saan ginagamit ang kanilang sekswalidad upang kumita ng pera para mabuhay ang sarili at ang kanilang pamilya. Hanggang ngayon ay pinagpapatuloy pa rin niya ang "legacy" na nasimulan ng "Macho Dancer" (1988) ni Brocka. Nag-iba lang ang kwento, pero iisa pa rin ang kasuotan.


Kay Monti Parungao (“Bayaw,” 2009; “Santuaryo,” 2010), ang kanyang mga bading ay mga "straight" na nakikipagtalik sa kapwa lalaki para lamang makaraos. So, theoretically, hindi sila mga bading. Isa ito sa malaking problema ng kanyang characterizations na hindi lamang offensive sa mga bading, kundi maging sa mga straight na lalaki na pinakikitang hindi nag-iisip kapag tinamaan ng libog sa katawan.

Malayo na ang narating ng kabadingan sa pelikulang Filipino mula nu’ng ‘50s. Hindi na sila maikakahon sa iisang characterization na lamang. Hindi na sila ginagawang sentro ng katatawanan o breather sa pelikula (maliban na lang sa ilang mainstream movies), subalit parte na sila ng istorya. Hindi na sila maituturing na best friend o sidekick lamang ng bida, kundi sa kanila na mismo umiinog ang kwento ng pelikula. (Sa ngayon, sila na ang may best friend sa pelikula--ang fag hags na tinatawag.) May mga stereotyping pa rin paminsan-minsan (tulad na lang ng mga gawi ng karakter ni Manzano sa “In My Life” tulad ng mahinhing hagikgik at malambot na bali ng kamay), subalit kapata-patawad na ito in favor of a good story at maayos na representasyon.

Ang bading sa pelikulang Filipino ay patuloy na nag-e-evolve at nagbabagong-anyo ayon sa pangangailan ng kanyang manonood. Sa katunayan, sa panahong ito, ang mga pelikulang may kwentong kabadingan (directly or indirectly) ang siyang nagpapanatili sa naghihingalong industriya na nagha-highlight kung gaano ka-importante ang mga bading sa komunidad.

2 comments:

Adrian Mendizabal said...

Haha. Natatawa ako dahil ito mismong mga pelikulang ito ang ginamit ko rin sa pagsulat ng isang sulatin tungkol sa queer cinema sa Filipinas. :)) Though magkaiba take natin. Sana'y magtuloy tuloy pa pagsusulat mo.

sineasta said...

salamat, Adrian! kailan mo sinulat ang paper?