Gusto ko:
- Tulad ng nabanggit ni Oggs Cruz sa kanyang review, matindi ang panimulang eksena nina Dianne (Bea Alonzo) at Franco (Christopher de Leon) kung sa'n gigil na gigil na nilapitan ng anak ang ama upang sabihin ang hindi niya pagtanggap sa pagbabalik nito. Sa kaunting salita, napadama ni Dianne ang kinikimkim niyang sama ng loob dito kasabay ng isang malutong na pagmumura bilang pagtatapos nito.
Para sa isang ama, napakasakit na marinig ang mga salitang iyon mula sa iyong anak. Subalit di rin naman natin magawang kasuklaman ang anak sa pagpapahiwatig ng kanyang nararamdaman. Mararamdaman nating halos kainin ng lupa si Franco matapos laitin ng kanyang anak. - Nagkaroon ng shift ang pag-uusap muli nina Dianne at Franco. Sa una ay taas-noo na dala-dala ni Franco ang pagiging ama sa kanyang pamilya sa kanyang pagbabalik. Pakiramdam niya ay may kaparatan siyang balikan sila anuman ang kanyang pagkukulang. Subalit sa sumunod na eksena ay pakumbabang humingi siya ng kapatawaran sa anak at nanghingi ng pangalawang pagkakataon.
Sa kabilang banda, si Dianne naman ay mahinahon na nagpahiwatig ng pinanggagalingan ng kanyang nararamdaman sa kanyang ama. Binanggit niya ang mga pagkakataong naghirap sila ng kanyang ina sa pagtaguyod ng kanilang pamilya dahil sa paglisan nito at kung paano nila pinagsikapang iahon ang mga sarili. Wala itong halong galit. Walang halong pagkamuhi. - 'Yung pagkakataong nalaman ni Amanda (Lorna Tolentino) ang katotohanan sa pagtataksil muli ni Franco. Nu'ng ito ay magbalik, pinilit niyang maging masaya para sa kanyang pamilya. Umasa siya sa pagiging buo nilang muli at pinilit na hindi magduda sa katapatan ng asawa. Subalit nabigo siya at binigong muli ng asawa. Pakiramdam niya'y pinayagang na naman niya itong lokohin siya at apak-apakan. Kaya naman sa pagkakatong iyon, hindi na siya nagdawalang-isip na palayasin ito sa tirahang pinundar niya at ni Dianne.
- Ang eksena kung saan nakikiusap si Dianne sa inang si Amanda na huwag bibitiw. Na kakayanin niya ang lahat maliban sa mawala ang kanyang sandalan at matalik na kaibigan. Sa puntong ito ay nagiging matatag pa rin siya para sa inang isinuko na ang kapalaran sa nakakataas.
- 'Yung eksena ng rebeldeng si Coby (Coco Martin) kung saan nilapitan niya si Dianne at tinanong kung ano ba ang sakit ng ina. Itinanggi ng kapatid ang karamdaman ng ina. Nagsumamo si Coby at nagwikang, "Isali n'yo naman ako. Parte rin ako ng pamilyang ito."
Isa ito sa highlights ng pelikula. Sa kakaunting mga salita ay naipahatid ng binata ang kanyang hinanakit, ang nilalaman ng kanyang puso na kinimkim niya sa napakatagal na panahon. - Nang atakihin ng kanyang sakit si Amanda, dali-daling nagtungo ang magkakapatid sa silid ng ina. Nanginginig ito sa ginaw at ginawa nilang lahat ang kanilang makakaya upang pawiin ang nararamdaman nito. Binalot nila ito ng kumot at niyakap ang iba't-ibang parte ng katawan.
Subalit si Dianne ay nanigas sa kanyang pagkakatayo malayo sa ina. Namulat siya sa katotohanan ng realidad na mawawala na ang kanila ina. Na ito ay isang bagay na hindi niya magagawan ng paraan. Unti-unti ay lumabas ang kanyang kahinaan. Unti-unti ay nahubad ang kanyang superhero costume.
Ayaw ko:
- 'Yung pakiramdam na nagbabase lamang ang Sa 'Yo Lamang sa tagumpay at kaledad ng Tanging Yaman. Marami sa mga eksena rito at kuha ng camera ay nakita na sa naturang pelikula. Imbes na maging distinct ito as itself ay parang naging copycat lamang sa aking paningin.
- 'Yung pagkalunod ng ibang emosyonal na eksena sa musical scoring. Sumasabay ang lakas ng tugtog sa lakas ng hagulgol ng karakter.
- 'Yung di magandang karakterisasyon ng halos lahat ng lalaki sa pelikula. Si Franco ay babaerong tunay. Iniwan ang pamilya para sa kanyang kerida. Pagkalipas ng sampung taon ay bumalik na walang kapatawarang hiningi. Walang dahilan na ibinigay. Ang tanging bitbit niya lamang ay ang karapatan niya bilang isang asawa't anak. Subalit hanggang sa pagbabalik na iyon ay hindi siya naging matapat sa kanyang mag-iina. Hindi niya tinapos nang maayos ang kanyang iniwang relasyon sa iba.
Si Coby ay babaero at walang galang sa babae. Ito ang paraan niya upang mapalapit sa kanyang ama. "Idol kita," wika niya. Nagrerebelde rin siya kay Dianne na nagmamando sa kanyang buhay.
Si James (Enchong Dee) ay napilitang magnakaw ng exams upang mapanatili ang kanyang scholarship. Pressured siya sa demands ni Dianne na maging magaling sa kanyang pag-aaral.
Ang karakter ni Diether Ocampo bilang ex-bf ni Dianne ay nagbalik mula US. Binalikan niya ang dating kasintahan kahit pa alam niyang engage na ito sa kasintahang si Zanjoe Marudo. Bumigay si Dianne sa kanya at nalamang kinasal na pala siya sa US! - Sa iisang tema uminog ang kwento ng pelikula: pagtataksil. Nag-ugat ang kasiraan ng pamilya sa pagtataksil ni Franco. Bilang ganti ay nagtaksil din si Amanda at nagkaanak sa iba na pinamigay niya upang "protektahan" ang kanyang pamilya. Naging palikero si Coby. Pinagtataksilan ang mga babaeng nakakapiling niya. Pinagtaksilan ni Dianne ang kanyang fiance. Pinagtaksilan si Dianne ng kanyang ex-bf. Pinagtaksilan ni ex-bf ang kanyang asawa sa US. Paulit-ulit ang kwentong ito sa buong pelikula. Paikot-ikot sa mga karakter nito.
Ano ba ang gustong sabihin nito? Na taksil ang mundo? Na ang pagtataksil ay nagiging inherent sa pamilya kapag may isang gumawa nito? Na pagtataksil ang sagot sa isa pang pagtataksil? Na kailangang tanggapin na isa itong normal na gawain at dapat intindihin?
Isa o dalawang beses itong mabanggit ay maaring parte lamang ng plot. Subalit kung makailang ulit, ito na mismo ang nagiging plot ng pelikula at nagiging central theme nito. Maging ang pagbibigay ni Amanda ng anak niya sa pagkakasala ay maituturing na pagtataksil sa kanyang naturang anak. - Hindi ko matanggap ang dahilan ni Amanda sa pagpapaampon sa kanyang anak. Ayaw niyang magkagulo ang kanyang pamilya kung sakaling palalakihin niya ang bata na kasama ng kanyang mga anak kay Franco. Mababaw itong dahilan kung ating iisipin katulad ng kanyang pagtataksil sa asawa upang maganti. Ganito nga ba talaga siya mag-isip? Mababaw? Umiral ang kanyang pagiging makasarili sa puntong ito kahit na pilit na jina-justify na ginawa niya ito para sa ikakabuti ng bata. Natakot siyang harapin ang multong kanyang ginawa.
- Pinasok ni Coby sa kwarto ang karakter ni Shaina Magdayao na kanyang nabuntis. Pinilit niya ang sarili rito at nang makita niya ang pagluha nito ay lumambot ang kanyang puso. Nagbago ang tingin at pakiramdam niya rito.
May kasabihang "Never trust the words of a man in bed" dahil sasabihin nito ang pinakamamagandang salita sa oras ng pakikipagniig sa iba. Kaya paanong mapapaniwalaang totoo ang naging pagluha niya rin sa pagkakataong iyon? Na totoo ang naramdamang niya para sa dating kasintahan? Ang tagpong iyon ay hindi na nasundan ng isang pang tagpo na magpapatunay na may pagbabagong nangyari. - Lahat ng mga karakter sa pelikula ay flawed. Pwede itong maging para at laban sa pelikula.
Para sa pelikula dahil pinakikita nitong totoong mga tao ang gumagalaw rito: makasalanan.
Laban sa pelikula dahil wala ni isang karakter ang pwedeng i-emulate. Nasadlak sila sa kasalanan dahil sa kanilang ama. Subalit nasaan ang tinatawag na free will and choice para sa kanila?
Pinili ni Amanda na gumanti sa asawang nangangaliwa. Pinili ni Coby na mag-rebelde at pagluruan ang mga babae. Pinili ni Dianne na lokohin ang kasintahan. Pinili ni James na magnakaw ng exams.
Gayon pa man, tayo bilang manonood ay hinihiling na maging mapagpatawad sa kanila. Na tanggapin ang kanilang mga pagkukulang. Pero paano natin gagawin 'yun lalo pa sa karakter ni Franco kung hindi naman tayo binigyan ng dahilan upang tanggapin at mahalin siya ng buong-buo? Makasalanan siyang pinakilala sa pelikula at hanggang sa huli ay di siya nakitaan ng paborableng pag-uugali o kilos.
But God's love is beyond that, ang sabi ng pelikula. Anuman ang ating pagkukulang at kasalanan, mapapatawad Niya tayo nang walang hinihinging dahilan basta't taos sa puso ang pagbabalik-loob.
P.S.
Sumasang-ayon ako kay Jessica Zafra. Hindi na natural ang mga itsura nina Lorna at Christopher sa pelikula. Hindi na gumagalaw ang noo ni Lorna samantalang parang banat na banat naman ang mukha ni Christopher. Asan na ang tinatawag na "growing old gracefully?"
Related reviews:
Oggs Cruz's Sa 'Yo Lamang
Jessica Zafra's Like the Seven Plagues, Flash-forwarded
Phil Dy's Ensemble Syndrome
No comments:
Post a Comment