Monday, March 28, 2011

Pagbabasa sa Isang Eksena ng "Ang Lalaki sa Buhay ni Selya" (1997)


Ang eksena na ito sa pelikula ni Carlos Siguion Reyna na Ang Lalaki sa Buhay ni Selya ay nagmumula sa eksena kung saan inalok ni Ramon (Ricky Davao) ng kasal si Selya (Rosanna Roces). Nangungulila si Ramon sa pag-alis ng kanyang lover, samantalang masama ang loob ni Selya sa di pagpapakita sa kanya ng kanyang kasintahan. Nasa krisis siya ng kanyang buhay--kung lilinasin ba ang lugar na iyon o tatanggapin ang alok ni Ramon. Ang magiging desisyon niya ang magpapabago ng kanyang buhay.

Sa boarding house na tinitirhan niya na pinamamahalaan ng tiyahin ni Ramon na si Piling (Eva Darren) ay nagbalik siya. Binabasa niya ang sulat ng kasintahan habang kumakapit sa kanyang alaala. Sa labas ng silid ay ang kanyang mga boardmates na lalaki, nag-iinuman at nagkakasiyahan ng umagang-umaga.

Pumasok si Piling. Binulyawan ang mga kalalakihan. Pinuntahan niya sa silid si Selya, tiningnan sandali. Bilang isang pakialamerang tiyahin ni Ramon at kasera ni Selya, kinuha niya ang isa sa mga sulat at pilit na bubuksan upang basahin. Pinigil siya ni Selya. Isa siyang pribadong tao at ayaw niyang pinakikialaman ang kanyang buhay. (Sa mga susunod pang eksena, magbabago ang ugali niyang ito. Magiging bukas siya at bulgar.)

Winika ni Piling na piliin ni Selya si Ramon. Nagtawanan ang mga kalalakihan sa labas. Hindi ito sadya. Nagkataon lamang ito at sinasabing mali (at katawa-tawa) ang suhestiyon na iyon ni Piling.

"Ano bang klaseng lalaki ang hanap mo?" ang retorikal na tanong ni Piling. "Katulad nila," referring to the men outside, "katulad ni Bobby?"

Walang maisagot si Selya.

Tumayo si Piling. Isasara na niya sana ang pinto upang bigyan ng privacy si Selya, subalit hindi niya itinuloy. Gusto niyang ipamukha ang uri ng mga lalaking nasa labas kay Selya.

Nagpatuloy ang ingay ng mga kakalakihan. Narindi si Selya. Tumayo siya at isinara ang pinto. Kasabay nito ang paggawa niya ng desisyon. Hindi na niya tatanggapin ang mga ganoong uri ng mga lalake sa kanyang buhay. Isasara na niya ang Bobby chapter sa buhay niya. Pipiliin na niya si Ramon, isang matino at disenteng lalaki.

Titigil ang eksena sa anino ni Selya sa isang puting dingding. Ito ay nangangahulugang hindi ito talagang pagsasara sa kanyang buhay, bagkus ay hahabulin siya ng kanyang magiging desisyon na parang isang anino. Nagdedesisyon siya sa dilim; nang walang kasiguraduhan. Kapag dumating ang puntong haharap na siya sa anino ng kanyang buhay ay maaari siyang tumakbo sa kanyang desisyon o panindigan ito.

No comments: