Sunday, March 31, 2013

Ang Asawa at ang Kerida sa "Kahit Wala Ka Na" (Borlaza, 1989)

Hinatid si Patrick (Richard Gomez) ng kanyang sekretaryang si Debbie (Cherie Gil) pauwi sa kanyang bahay. Desididong ayaw pang tapusin ang gabi, nagpumilit na pumasok si Debbie sa loob ng bahay. Tumanggi si Patrick, subalit sadyang mapilit si Debbie kaya pinagbigyan niya rin ito. Ang asawang si Irene (Sharon Cuneta) ang sumalubong sa kanila. Gamit ang alibi na mayroon lamang kukunin na papeles si Debbie, hinayaan ni Irene ang pagpasok nito sa kanilang tahanan kahit pa alam niyang may namamagitan dito at sa kanyang asawa. Hindi na rin naman lingid sa kaalaman niya kung gaano kapalikero ang kanyang asawa. Nagtitiis na lamang siya, subalit alam niyang may hangganan din siya.

Sa loob ng kwarto ng mag-asawang Patrick at Irene kung saan natutulog ang anak nilang si Jopet (Simon Soler), sinarado ni Debbie ang pintuan upang makatalik si Patrick. Hindi niya alintana na katabi lamang nila ang bata at maaaring magising anumang oras. Bakit nga ba naman siya magpipigil kung gayong ang sariling ama nito ay hindi nag-alala?

Nakatunog si Irene. Kinuha niya ang susi at binuksan ang silid. Naabutan niyang magkatabi sina Patrick at Debbie. Bukas ang butones ng polo ng asawa.


Nagpaalam si Debbie, subalit siniguro ni Irene na makakatikim ito sa kanya.

"Leche kang kaladkarin ka. Kung gusto mong magsabog ng lagim, huwag dito sa loob ng bahay ko. Hindi dito sa kuwarto ko at lalong hindi dito sa kama ko!"

Ganito rin ang inabot sa kanya ng kanyang asawa.

"Lalayas ka ba o gusto mong iturok ko ito sa tiyan mo? O baka naman gusto mong matulog para paggising mo sa umaga, putol na 'yang pagkalalaki mo?"

Umabot na sa sukdulan si Irene. Hindi na siya maaaring magsawalang-kibo sa pagsasalaulang ginagawa sa kanya ni Patrick lalo pa't umabot na sa puntong wala na itong kahihiyan maging sa sariling anak. Kailangan niyang pangalagaan hindi lamang ang kanyang sarili kundi ang kanilang anak.

Nagdesisyon siyang iwan ang kanilang tirahan. Hindi siya tuluyang makakalayo sa pait ng alaalang dulot ng relasyon niya kay Patrick kung siya ay patuloy na mananatili rito. Baka hindi rin siya tuluyang makabitaw kung sakaling balikan siya ng asawa.

Malaki ang kinalaman ng paglalaro ng light at shadow sa eksenang ito sa kanan na kuha ni Romeo Vitug. Hindi niya alam ang susunod niyang gagawin. Madilim ang tatahakin niyang daan, subalit malinaw sa kanya na ito ang nararapat niyang gawin. Nakatingin siya sa kanyang natutulog na anak na tila sinasabing siya ang pagkukunan niya ng liwanag. Siya ang kanyang magiging lakas.

Nagsimulang muli sa buhay si Irene. Mahirap sa simula lalo pa't walang nagtitiwalang magagawa niya ito maging ang kanyang pamilya, subalit kinaya niya. Pinatuyang kaya niyang tumayo sa sariling mga paa, at hindi aasang sasagipin ng asawa katulad ng siya ay mabuntis nito noong 16 years old pa lamang.

Bukod sa pagdududang nakukuha niya sa paligid, self-doubt at insecurities din ang kanyang kinakalaban. Bakit nagawa siyang lokohin ng kanyang asawa? Ano ang mali sa kanya? Ano ang kanyang pagkukulang? Kasalanan ba niya kung bakit nawalan ng amor ang asawa sa kanya?

Ito ang higit na lumulupig at nagpapahina sa isang taong pinagtaksilan ng kabiyak. Paulit-ulit itong manggugulo sa isipan at babagabag sa damdamin. Tila isang aninong palaging nakasunod upang ipaalala ang maaaring naging kahinaan bilang kabiyak at maging bilang isang tao. Ang dangal na niyurakan ay unti-unting pupulutin sa putikan hanggang sa makabangon muli.

Dagdag pa sa pangsariling suliranin ay ang mga lalaking nakapaligid kay Irene. Natutunan man niyang alagaan muli ang sarili at magmukhang kaaya-aya, napalibutan naman siya ng mga lalaking mapagsamantala. Mga lalaking may iba-ibang hangarin sa kanya na susubok sa kanyang katatagan at pagkatao. Mga lalaking bubuyuin siyang bumigay sa kanila o manatiling nakatayong mag-isa.

Nandiyan si Boni (Tonton Gutierrez), isang kapitbahay. Siya ang unang lalaki na nagbigay proteksyon sa kanya noong tangkain siyang bastusin ng mga lasenggong kapitbahay. Nagpakita ito ng malasakit sa anak bukod pa sa binibigay nitong pansin sa kanya na matagal nang pinagkait ni Patrick sa kanya. Malungkot ang mag-isa. Ngunit kailangan niya ring manimbang. Si Boni ba ang nararapat na maging kapalit ng kanyang asawa gayong wala namang itong trabaho? Sapat na bang magkasundo sila ng kanyang anak? Puso bang muli ang kanyang paiiralin? Bibigay ba siya sa lungkot ng pag-iisa?

Ang kaopisinang si Anton (Ronald Jayme): gwapo, simpatiko, at handang makinig. Siya ang ikalawang lalaki na naka-date niya sa tanang buhay niya. Si Patrick ang kanyang unang kasintahan na naging asawa kinalaunan kaya hindi siya nagkaroon ng pagkakataong maka-date ang iba. Subalit sa likod ng facade ni Anton ay ang makamundong pagnanasa. Maaaring malungkot siya, subalit hindi sa puntong ibibigay niya kaagad ang sarili sa unang lalaking magbabalak na siya'y angkinin. Hindi init ng katawan ang kasagutan sa kanyang mga katananungan. Hindi siya magpapakagaga at magpapadalang muli sa mapusok na damdaming nagdala sa kanya sa kinasangkutang posisyon ngayon: ang maagang pag-aasawa dahil sa pagbubuntis at ngayo'y hiwalay sa asawa.

Ang boss na si Red (Tommy Abuel): matalino, mayaman, hiwalay sa asawa, at katulad niyang malungkot din. Companion sa buhay ang hanap ni Red. Magaan ang loob niya kay Irene at nais niya itong maging katuwang sa buhay. Seguridad ang maaaring ibigay nito sa kanya na hindi niya pinaghahawakan sa kanyang kalagayan sa panahong iyon. First year college lamang ang kanyang natapos kaya alam niyang maaaring hindi malayo ang kanyang marating sa workforce. Pagiging praktikal ba ang magpapabago ng kanyang buhay? Utak ba ang dapat gamitin at hindi ang puso gayong sa pagtakbo ng panahon ay lumalaki ang pangangailan ng anak? Utak ang ba ang maglalayo sa kanya sa sakit ng pakikipagrelasyon?

Sa kabilang banda ay maligayang-maligaya si Debbie. Nakuha niya ang kanyang inaasam-asam na si Patrick. Hindi siya basta naghintay na lamang na mapasakamay ito, bagkus ay gumawa siya ng paraan upang makuha ito. Taliwas kay Irene na may pagdududa sa sarili kung makukuha niya ang kanyang nais sa buhay, confident si Debbie sa kanyang hangarin.

Nagsama sila ni Patrick sa kanyang bahay at nag-astang asawa. Isa ito sa pinakamaling nagawa niya sa relasyon nila ni Patrick. Sa oras na nakaramdam si Patrick nang pagkasakal, nagpumiglas ito ng katulad nang ginawa niya sa relasyon nila ni Irene.

Ang keridang pakiramdam ay asawa ang siyang nakaramdam ng dinanas ng tunay na asawa noon. Hindi siya naging kuntento bilang kerida. Ginusto niyang palitan ang asawa. At ang pait ng pagiging asawa ang sa kanya'y pinaramdam. Ang siyang dating tumatanggap ng atensiyon ang siya namang nanglilimos nito. Ang dating siyang dahilan ng pagloloko ang siya namang niloloko. Ang dating may mataas na pagtingin sa sarili ang siya namang naninikluhod. What goes around comes around, 'ika nga. Hindi niya ito malalagpasan ang cycle na ito kung patuloy siyang kakapit sa kamandag ni Patrick. At hanggang sa huli ay bumubuntot-buntot pa rin siya kay Patrick at tuluyan nang nawalan ng respeto sa sarili dahil sa pagkahumaling sa lalaki.

Sa ganitong pagkakataon, sino ang tunay na may confidence at sino ang wala? Sino ang buo ang pagkatao at sino ang may pinupunan? Sino ang may pagmamahal sa sarili at sino ang nagkukulang?

Minsan ay nagkitang muli sina Irene at Patrick. Kasama ang kanyang ina, sinundo ni Patrick ang anak nang walang paalam sa dating asawa. Hindi pumayag si Irene. Nauwi sa pagtatalo at pag-aaway ang kanilang naging diskusiyon sa harap ni Jopet. Gulong-gulo, tumakbo si Jopet palayo sa kanila at pumunta sa isang mataas na lugar kung saan siya madalas na dalhin ng kanyang tito Boni.

Nauwi ito sa malagim na pangyayari. Isang tagpo na nagpapatunay lamang na ang anak ang unang nagdurusa sa tuwing witness siya sa pag-aaway ng magulang. May mga pagkakataong pakiramdam nito ay siya ang dahilan ng away at lubhang masakit ito para sa kanya. Habang nagtatalo ang magulang, ang anak ang naiipit sa gitna. Habang pilit na pinag-aagawan ang anak, lalo lamang nitong gustong kumawala sa kanila.


Tuluyan nang gumuho ang mundo ni Irene. Ano pa ang kanyang gagawin kung ang nag-iisang lalaki sa kanyang buhay na nagpapatatag ng kanyang loob ay wala na? Saan na siya tutungo kung ang dahilan ng lahat ng kanyang pagsisikap ay kinuha na sa kanya? Tuluyan na siyang makukulong sa mundo ng pagkamuhi sa sarili at kawalang direksiyon.

Mabigat ang papel na ginampanan ng pagkawala ni Jopet sa buhay ni Irene. Dahil sa pangyayaring ito ay namulat ang kanyang isipan na hindi niya kailangan ng lalaki upang mabuhay. Hindi niya kailangan ng katuwang sa buhay upang maging masaya. Hindi niya kailangan ng kasama upang maging buo ang pagkatao. Kaya pilit mang bumabalik sa kanya ang asawa ay hindi niya ito tinanggap. Sa pagkawala ni Jopet ay nahanap niya ang kanyang sarili. Si Jopet na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong ang siya ring nagpalaya sa kanya.

No comments: