Tuesday, April 02, 2013

Ang Magkahawig Subalit Magkaibang Mukha Nina Clarissa at Lupe sa "Kaya Kong Abutin ang Langit" (De Los Reyes, 1984) at "Pasan Ko ang Daigdig (Brocka, 1987)

Kilala si Maricel Soriano sa pagganap sa tinatawag na "anti-heroine" roles. Ang ganitong klase ng mga bidang babae ay iyong hindi sumusunod sa tradisyonal na values ng lipunan at hindi kakikitaan ng mga positibo at kaaya-ayang pag-uugali (na sinasang-ayunan ng lipunan). Matapang at subersibo; ambiyoso at mayabang; tuso at magulang. Isang babaeng mahirap mahalin at bahaginan ng simpatiya. Ang ganitong iconic role na maituturing ni Maricel ay si Clarissa Rosales mula sa Kaya Kong Abutin ang Langit ni Maryo J. De Los Reyes noong 1984.

Samantala, kilala si Sharon Cuneta sa pelikula sa kanyang nag-uumapaw na sweetness. Puso ang kanyang pinaiiral at hindi ang utak. Isa siyang masunuring anak ng magulang at ng lipunan. Minamahal at pinapaboran ng karamihan. Subalit bilang Guadalupe Velez o Lupe ng Pasan Ko ang Daigdig (Lino Brocka, 1987), tila lumihis siya ng daan. Tumawid sa bakod na madalas ay tinatahak ni Maricel. Nagpang-abot kaya ang kanilang mga daan at nagkaisa o sila ba'y nag-isnaban pagdating sa dulo at nagkanya-kanya?

Parehong nagmula sa hirap sina Clarissa at Lupe. Inaasam-asam nila ang makaalis mula sa pusaling kanilang pinaglalagyan. Sa katunayan ay kinasusuklaman nila ang pagiging mahirap. Kinakahiya nila ang pagkakaroon ng kahit na anong ugnayan sa mundong ito. Hindi ito ang nararapat sa kanila at sinisiguro nilang makakalayo sila rito. Malayo sa dumi at baho. At malayo sa mga taong ang tingin nila ay hindi kauri. Alam nilang mayroon pa silang magandang buhay na patutunguhan.

Hindi sila naniniwala sa pag-ibig. Magiging sagabal lamang ito sa kanilang mga plano. Utak ang kanilang ginagamit upang makausad sa buhay. At hindi sila mahihiyang gumamit ng ibang tao kung kinakailangan upang matupad ang kanilang balakin.

Isang gabi sa Kaya Kong Abutin ang Langit, hinarap ni Nancy (Gina Alajar) ang kapatid niyang si Clarissa na hindi umuwi upang makapiling sila ng kanyang ina sa Noche Buena. Ang hapunang ito ay sumisimbolo ng pagiging buo ng pamilya sa gabi bago ang kapangakan ni Hesus. Subalit sa kaniyang hindi pagsipot, pinaalam na ni Clarissa na hindi siya kaisa ng kanyang pamilya. Mayroon siyang mas mahigit na plano para sa kanyang sarili, at ito ang kaniyang binulalas na siyang kinabigla ng kapatid.


Clarissa: Hindi ako katulad ninyo na kuntento na sa miserableng buhay na 'to. Sawang-sawa na ko sa baho na nakapaligid sa lugar na 'to. Gusto ko nang makawala sa pagbubuhay-daga natin. At walang makakapigil sa akin. Ikaw man o si Inay! Kaya kung mag-ambisyon man ako, karapatan ko 'yun. At pabayaan ninyo ako. Dahil 'pag nagtagal ako pa ako rito, gagalisin ako!"

Si Lupe, matapos magwagi at magkamit ng limang-daang piso mula sa isang singing contest, ay nabuhayan ng loob. Nagkaroon ng linaw ang kanyang mga pangarap. Nagkaroon siya nang higit pang kumpiyansa sa sarili upang tuparin ang kanyang gusto. Kay Carding (Tonton Gutierrez), isang lihim na mangingibig, pinaalam niya ang kanyang damdamin, na ikinadurog ng puso ng lalaki. 


Lupe: Bakit nga ba tayo pinanganak na mahirap? Madalas kong maisip, makakilala lamang ako ng isang lalaking mayaman at ayain niya akong magpakasal, hindi ako magdadalawang-isip. ... Kahit na kailan ay hindi ako mag-aasawa ng mahirap. Hindi sa anupaman. Gusto ko lang makaalis dito. Aalis ako rito kahit anong mangyari. Makakawala rin ako sa lugar na ito, makikita mo.

Parehong naghahangad na yumaman sina Clarissa at Lupe. Nakamit nila ito sa magkaibang paraan. At sa rurok ng tagumpay, magkaibang daan ang kanilang tinahak: isang tungo sa malagim na pagwawakas at isang tungo sa kaligtasan ng kaluluwa.

Pinilit ni Clarissa na mapabilang sa pamilya ng kanyang ninang na si Monina Gargamonte (Liza Lorena). Sa una'y malapit at malambing lamang siya rito. Madalas siyang pumupunta sa tahanan nito hanggang sa tuluyan nang tumira rito. Sa umpisa ay inaanak lamang ang papel niya sa kanila hanggang sa siya ay maging tagapagmana ng lahat ng ari-arian ng pamilya. Ang lahat ng ito ay hindi nangyari ng  kusa. Ito ay pinagplanuhan niyang maigi. Habang unti-unti niyang naisasakatuparan ang kanyang maliliit na balak, unti-unti ring nagpupuyos ang kanyang damdamin upang makamit ang mas malalaki pa hanggang sa umabot sa sudkulan.

 
Mula batya patungong swimming pool

Mula damit na binili sa Quiapo hanggang sa mga designer clothes

Sakim at ganid si Clarissa. Hindi siya nagkasya sa pagiging parte lamang ng pamilyang Gargamonte. Ginusto niyang sa kaniya lamang umikot ang mundo ng kanyang ninong at ninang. Hindi siya nasiyahan sa katunayang siya ang ginawang tagapagmana ng ari-arian ng mag-asawa. Siniguro niyang mapapasakanya na ang mga ito sa lalong madaling panahon. Sa anumang paraan. Ano man ang maging kabayaran.

Sa pagkamatay ng kinakapatid ay naging heredera siya ng Gargamonte

Sa bakasyon sa Baguio ay sinakatuparan niya ang maitim niyang balak

Mula sa singing contest ay pumasok si Lupe sa isang bar bilang mang-aawit. Hindi naging madali sa kanya ang hakbang patungo sa ninanais na tagumpay. Hindi katulad ni Clarissa na may angking tapang ng apog at kakapalan ng pagmumukha simula pagkabata, si Lupe ay pinapangunahan ng kaba sa dibdib. Dahil nagmula sa madumi at mabahong lugar ng Smoky Mountain at walang sapat na pinag-aralan, mababa ang kanyang tingin sa sarili.

Magkagayon man ay determinado siyang patunayan ang kanyang sarili at tuparin ang mga pangarap. Noong una ay Tagalog lamang ang kanyang inaawit subalit sumubok siya ng Ingles upang pasukin ang mundo ng mga may pera at mayayaman. Hindi nagtagal ay siya na ang tinanghal na pangunahing mang-aawit ng bar hanggang sa makilala niya ang lalaking hindi lamang recording contract ang inalok kundi maging marriage contract.

Mula guest singer hanggang maging major singer ng bar

(L) Recording contract | (R) Marriage contract

Tinanggap ni Lupe ang kasal na alok ni Don Ignacio (Mario Montenegro). Hindi siya nagdalawang-isip gayong tanggap nito ang kanyang nakaraan. Hindi na siya kailanman maninirahan sa pusali at magkakalkal ng basura upang mabuhay. Hindi na siya magkakasya sa kakarampot na baryang nakukuha niya sa panglilimos sapagkat nasa kamay na niya ang kayamanang kanyang inaasam.

Ang mga katulad nina Clarissa at Lupe ay madalas na hindi sinasang-ayunan ng pelikula (at ng patriyarkal na lipunan). Tinitingnan sila ng may kunot ang noo at taas ng kilay lalo pa't ginagamit nila ang kanilang pagkababae upang makuha ang gusto sa buhay. Sa lipunang naghahari ang mga lalaki, mayroon silang tiyak na paglalagyan. Mayroon kapalit ang pagyurak nila sa dangal ng kalalakihan. Kung hindi sila nasasabihang hindi karapat-dapat sa kanilang narating ay pinararamdam sa kanila ito. Pinamumukha sa mga katulad nilang nasusuklam sa kanilang pinanggalingan na higit pang kapahamakan ang nararapat sa kanila. At sa kahuli-hulihan ay binabawi rin sa kanila ang mga pangarap na kanilang pinagtagumpayan. Maging ang kanilang mga mahal sa buhay. O sinisingil ng sariling nilang buhay.

(L) Hindi sinipot sa altar si Clarissa ng lalaking kanyang pakakasalan | (R) Pinagtabuyan siya ng kanyang kapatid

(L) Ginahasa si Lupe | (R) Pinatay ang kanyang ina

Sa ganitong pagkakataon, paano magwawakas ang kanilang landas? Sino ang magwawagi? Sino ang hindi patatalo?

Bumaba sa lupa sumandali si Clarissa. Wala siyang pinagsisisihan sapagkat inabot at pinaglaban lamang niya ang kanyang gusto sa buhay. Hindi niya ninais maging mabuti sapagkat ang mabuti ay hindi nararating ang langit na kanyang pinuntahan. Kuntento na lamang sa kung ano ang mayroon sila. Wala nang pinatutunguhan maliban sa putikang pinaglalagakan nila.

Clarissa: Sa buhay may mga taong tumatapak at tinapakan. Ayoko nang tinapatakan ako. Ayoko nang masikip. Ayoko nang walang tubig. Ayoko nang mabaho. Ayoko nang walang pagkain. Ayoko ng putik!

Samantala, hindi pa man nagtatagal sa palasyo si Lupe ay nilisan na niya ito. Napagtanto niyang hindi siya nararapat dito. Nawari niyang hindi talaga ito ang kailangan ng kanyang puso. Mas ikaliligaya niyang makapiling ang kanyang anak sa lalaking nagmamahal na sa kanya noong una pa lamang (kahit pa sinalbahe siya nito upang pigilang mangarap nang mataas).

Lupe: Anuman ang gawin ko, balutin man ako ng ginto at pera, hindi ko matatalikuran ang pinagmulan ko. Akala ko noon ay maibabalik ko ang pagkatao ko kung magkakapera ako. Hindi rin pala.

Tinalikuran ni Lupe ang kanyang yaman samantalang yaman ang tumalikod kay Clarissa. Pinalaya si Lupe ng kanyang mga pangarap samantalang ikunulong nito si Clarissa. Nabuksan ang puso ni Lupe sa pagmamahal ng iba subalit nanatiling sarili lamang ni Clarissa ang kanyang mahal.

Kaninong buhay ang nauwi sa trahedya? Kay Clarissa ba na namatay kapiling ang kanyang mga pangarap o kay Lupe na tinalikdan ito? Sino ang tunay na nagwagi sa laban ng buhay? Si Clarissa ba na sinugal ang pagkatao o si Lupe na sumuko sa pagkatalo? Sino ang naging talunan? Si Clarissa ba na makamtan ang tugatog ng tagumpay o si Lupe na natakot abutin ang pinakataas?

Dalawang babaeng hinubog sa iisang hulmahan. Anti-heroine na maituturing. Isang matapang na nagpatuloy sa daang madilim at isang nangiming magpakasama-sama. Isang suwail na anak ng lipunang nagpakalayo-layo nang lubusan at isang nagbabalik nang may pagsusumamo. Isang taas-kilay na nagmamalaki at isang nagpapakumbaba. Isang Maricel Soriano at isang Sharon Cuneta. Sa pelikula.

Sino ang iyong papanigan?

(L) Nagmula sa tubig. | (R) Nagwakas sa tubig

(L) Nagsimula sa awiting Filipino | (R) Nagtapos sa awiting Filipino

No comments: