Sunday, March 31, 2013

Ang Asawa at ang Kerida sa "Kahit Wala Ka Na" (Borlaza, 1989)

Hinatid si Patrick (Richard Gomez) ng kanyang sekretaryang si Debbie (Cherie Gil) pauwi sa kanyang bahay. Desididong ayaw pang tapusin ang gabi, nagpumilit na pumasok si Debbie sa loob ng bahay. Tumanggi si Patrick, subalit sadyang mapilit si Debbie kaya pinagbigyan niya rin ito. Ang asawang si Irene (Sharon Cuneta) ang sumalubong sa kanila. Gamit ang alibi na mayroon lamang kukunin na papeles si Debbie, hinayaan ni Irene ang pagpasok nito sa kanilang tahanan kahit pa alam niyang may namamagitan dito at sa kanyang asawa. Hindi na rin naman lingid sa kaalaman niya kung gaano kapalikero ang kanyang asawa. Nagtitiis na lamang siya, subalit alam niyang may hangganan din siya.

Sa loob ng kwarto ng mag-asawang Patrick at Irene kung saan natutulog ang anak nilang si Jopet (Simon Soler), sinarado ni Debbie ang pintuan upang makatalik si Patrick. Hindi niya alintana na katabi lamang nila ang bata at maaaring magising anumang oras. Bakit nga ba naman siya magpipigil kung gayong ang sariling ama nito ay hindi nag-alala?

Nakatunog si Irene. Kinuha niya ang susi at binuksan ang silid. Naabutan niyang magkatabi sina Patrick at Debbie. Bukas ang butones ng polo ng asawa.


Nagpaalam si Debbie, subalit siniguro ni Irene na makakatikim ito sa kanya.

"Leche kang kaladkarin ka. Kung gusto mong magsabog ng lagim, huwag dito sa loob ng bahay ko. Hindi dito sa kuwarto ko at lalong hindi dito sa kama ko!"

Ganito rin ang inabot sa kanya ng kanyang asawa.

"Lalayas ka ba o gusto mong iturok ko ito sa tiyan mo? O baka naman gusto mong matulog para paggising mo sa umaga, putol na 'yang pagkalalaki mo?"

Umabot na sa sukdulan si Irene. Hindi na siya maaaring magsawalang-kibo sa pagsasalaulang ginagawa sa kanya ni Patrick lalo pa't umabot na sa puntong wala na itong kahihiyan maging sa sariling anak. Kailangan niyang pangalagaan hindi lamang ang kanyang sarili kundi ang kanilang anak.

Nagdesisyon siyang iwan ang kanilang tirahan. Hindi siya tuluyang makakalayo sa pait ng alaalang dulot ng relasyon niya kay Patrick kung siya ay patuloy na mananatili rito. Baka hindi rin siya tuluyang makabitaw kung sakaling balikan siya ng asawa.

Malaki ang kinalaman ng paglalaro ng light at shadow sa eksenang ito sa kanan na kuha ni Romeo Vitug. Hindi niya alam ang susunod niyang gagawin. Madilim ang tatahakin niyang daan, subalit malinaw sa kanya na ito ang nararapat niyang gawin. Nakatingin siya sa kanyang natutulog na anak na tila sinasabing siya ang pagkukunan niya ng liwanag. Siya ang kanyang magiging lakas.

Nagsimulang muli sa buhay si Irene. Mahirap sa simula lalo pa't walang nagtitiwalang magagawa niya ito maging ang kanyang pamilya, subalit kinaya niya. Pinatuyang kaya niyang tumayo sa sariling mga paa, at hindi aasang sasagipin ng asawa katulad ng siya ay mabuntis nito noong 16 years old pa lamang.

Bukod sa pagdududang nakukuha niya sa paligid, self-doubt at insecurities din ang kanyang kinakalaban. Bakit nagawa siyang lokohin ng kanyang asawa? Ano ang mali sa kanya? Ano ang kanyang pagkukulang? Kasalanan ba niya kung bakit nawalan ng amor ang asawa sa kanya?

Ito ang higit na lumulupig at nagpapahina sa isang taong pinagtaksilan ng kabiyak. Paulit-ulit itong manggugulo sa isipan at babagabag sa damdamin. Tila isang aninong palaging nakasunod upang ipaalala ang maaaring naging kahinaan bilang kabiyak at maging bilang isang tao. Ang dangal na niyurakan ay unti-unting pupulutin sa putikan hanggang sa makabangon muli.

Dagdag pa sa pangsariling suliranin ay ang mga lalaking nakapaligid kay Irene. Natutunan man niyang alagaan muli ang sarili at magmukhang kaaya-aya, napalibutan naman siya ng mga lalaking mapagsamantala. Mga lalaking may iba-ibang hangarin sa kanya na susubok sa kanyang katatagan at pagkatao. Mga lalaking bubuyuin siyang bumigay sa kanila o manatiling nakatayong mag-isa.

Nandiyan si Boni (Tonton Gutierrez), isang kapitbahay. Siya ang unang lalaki na nagbigay proteksyon sa kanya noong tangkain siyang bastusin ng mga lasenggong kapitbahay. Nagpakita ito ng malasakit sa anak bukod pa sa binibigay nitong pansin sa kanya na matagal nang pinagkait ni Patrick sa kanya. Malungkot ang mag-isa. Ngunit kailangan niya ring manimbang. Si Boni ba ang nararapat na maging kapalit ng kanyang asawa gayong wala namang itong trabaho? Sapat na bang magkasundo sila ng kanyang anak? Puso bang muli ang kanyang paiiralin? Bibigay ba siya sa lungkot ng pag-iisa?

Ang kaopisinang si Anton (Ronald Jayme): gwapo, simpatiko, at handang makinig. Siya ang ikalawang lalaki na naka-date niya sa tanang buhay niya. Si Patrick ang kanyang unang kasintahan na naging asawa kinalaunan kaya hindi siya nagkaroon ng pagkakataong maka-date ang iba. Subalit sa likod ng facade ni Anton ay ang makamundong pagnanasa. Maaaring malungkot siya, subalit hindi sa puntong ibibigay niya kaagad ang sarili sa unang lalaking magbabalak na siya'y angkinin. Hindi init ng katawan ang kasagutan sa kanyang mga katananungan. Hindi siya magpapakagaga at magpapadalang muli sa mapusok na damdaming nagdala sa kanya sa kinasangkutang posisyon ngayon: ang maagang pag-aasawa dahil sa pagbubuntis at ngayo'y hiwalay sa asawa.

Ang boss na si Red (Tommy Abuel): matalino, mayaman, hiwalay sa asawa, at katulad niyang malungkot din. Companion sa buhay ang hanap ni Red. Magaan ang loob niya kay Irene at nais niya itong maging katuwang sa buhay. Seguridad ang maaaring ibigay nito sa kanya na hindi niya pinaghahawakan sa kanyang kalagayan sa panahong iyon. First year college lamang ang kanyang natapos kaya alam niyang maaaring hindi malayo ang kanyang marating sa workforce. Pagiging praktikal ba ang magpapabago ng kanyang buhay? Utak ba ang dapat gamitin at hindi ang puso gayong sa pagtakbo ng panahon ay lumalaki ang pangangailan ng anak? Utak ang ba ang maglalayo sa kanya sa sakit ng pakikipagrelasyon?

Sa kabilang banda ay maligayang-maligaya si Debbie. Nakuha niya ang kanyang inaasam-asam na si Patrick. Hindi siya basta naghintay na lamang na mapasakamay ito, bagkus ay gumawa siya ng paraan upang makuha ito. Taliwas kay Irene na may pagdududa sa sarili kung makukuha niya ang kanyang nais sa buhay, confident si Debbie sa kanyang hangarin.

Nagsama sila ni Patrick sa kanyang bahay at nag-astang asawa. Isa ito sa pinakamaling nagawa niya sa relasyon nila ni Patrick. Sa oras na nakaramdam si Patrick nang pagkasakal, nagpumiglas ito ng katulad nang ginawa niya sa relasyon nila ni Irene.

Ang keridang pakiramdam ay asawa ang siyang nakaramdam ng dinanas ng tunay na asawa noon. Hindi siya naging kuntento bilang kerida. Ginusto niyang palitan ang asawa. At ang pait ng pagiging asawa ang sa kanya'y pinaramdam. Ang siyang dating tumatanggap ng atensiyon ang siya namang nanglilimos nito. Ang dating siyang dahilan ng pagloloko ang siya namang niloloko. Ang dating may mataas na pagtingin sa sarili ang siya namang naninikluhod. What goes around comes around, 'ika nga. Hindi niya ito malalagpasan ang cycle na ito kung patuloy siyang kakapit sa kamandag ni Patrick. At hanggang sa huli ay bumubuntot-buntot pa rin siya kay Patrick at tuluyan nang nawalan ng respeto sa sarili dahil sa pagkahumaling sa lalaki.

Sa ganitong pagkakataon, sino ang tunay na may confidence at sino ang wala? Sino ang buo ang pagkatao at sino ang may pinupunan? Sino ang may pagmamahal sa sarili at sino ang nagkukulang?

Minsan ay nagkitang muli sina Irene at Patrick. Kasama ang kanyang ina, sinundo ni Patrick ang anak nang walang paalam sa dating asawa. Hindi pumayag si Irene. Nauwi sa pagtatalo at pag-aaway ang kanilang naging diskusiyon sa harap ni Jopet. Gulong-gulo, tumakbo si Jopet palayo sa kanila at pumunta sa isang mataas na lugar kung saan siya madalas na dalhin ng kanyang tito Boni.

Nauwi ito sa malagim na pangyayari. Isang tagpo na nagpapatunay lamang na ang anak ang unang nagdurusa sa tuwing witness siya sa pag-aaway ng magulang. May mga pagkakataong pakiramdam nito ay siya ang dahilan ng away at lubhang masakit ito para sa kanya. Habang nagtatalo ang magulang, ang anak ang naiipit sa gitna. Habang pilit na pinag-aagawan ang anak, lalo lamang nitong gustong kumawala sa kanila.


Tuluyan nang gumuho ang mundo ni Irene. Ano pa ang kanyang gagawin kung ang nag-iisang lalaki sa kanyang buhay na nagpapatatag ng kanyang loob ay wala na? Saan na siya tutungo kung ang dahilan ng lahat ng kanyang pagsisikap ay kinuha na sa kanya? Tuluyan na siyang makukulong sa mundo ng pagkamuhi sa sarili at kawalang direksiyon.

Mabigat ang papel na ginampanan ng pagkawala ni Jopet sa buhay ni Irene. Dahil sa pangyayaring ito ay namulat ang kanyang isipan na hindi niya kailangan ng lalaki upang mabuhay. Hindi niya kailangan ng katuwang sa buhay upang maging masaya. Hindi niya kailangan ng kasama upang maging buo ang pagkatao. Kaya pilit mang bumabalik sa kanya ang asawa ay hindi niya ito tinanggap. Sa pagkawala ni Jopet ay nahanap niya ang kanyang sarili. Si Jopet na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong ang siya ring nagpalaya sa kanya.

Saturday, March 30, 2013

Ang Pagbubukas ng Puso ni Raffy sa "To Love Again" (Zialcita, 1983)

Isa akong tagahanga ni Danny Zialcita. Hindi ko napanood ang lahat ng kanyang mga pelikula, subalit ang karamihan naman sa mga napanood ko ay nagustuhan ko. Naniniwala akong isa siya sa mga underrated na direktor sa ating bansa. Kakaiba ang istilo ng kanyang pagtatrabaho kung saan binubuo niya lamang ang dayalogo ng kanyang mga karakter sa araw na kinukunan nila ito. At madalas naman ay nagwo-work ito para sa kanya (at sa pelikula). Witty ang kanyang mga dialogues at matatalino ang kanyang mga karakter. Ultimo mga kasambahay ay nakikipagtagisan ng mga dila sa kanilang mga employers o kapwa-manggagawa. Ingles kung Ingles. Batuhang matalinhaga kung nararapat. Debate kung debate. Tila may patakaran yata sa kanyang set at pelikula na pinagbabawal ang mapupurol ang utak.

Sa panahon ng martial law kung saan ang mga katulad nina Bernal at Brocka ay nagpapakita ng social realism sa kanilang mga pelikula, si Zialcita ay nakapokus sa mga komplikadong relasyon na pinapasok ng tao: adultery, concubinage, marital infidelities with consent, pagkahumaling sa pag-ibig, pagiging tuso pagdating sa pag-ibig, relasyong magulang at anak, at kung anu-ano pa. Masyado silang masalimuot na kung minsan ay mahirap itong tanggapin bilang katotohanan. Subalit ito ang mundong kinalakihan ni Zialcita kung saan sa mansiyon nakatira ang kanyang mga karakter at sumasakay ng helicopter o yatch sa tuwing pupunta sa ibang lugar. Hindi pera ang kanilang concern kundi ang pakikipagrelasyon. Hindi issue sa kanila ang trabaho kundi ang paano mapapanatili ang kanilang yaman. At hindi rin naman mahalagang mawalan sila ng yaman, huwag lamang madungisan ang kanilang dignidad at pangalan. (See related review.)

Ito ang mundo ni Zialcita kung saan ang baho ng alta sociedad ang kanyang ine-expose. Kung ang mga pelikula ni Mendoza ay binansagang "poverty porn", itinuturing ko namang "high society dirt" ang kay Zialcita.

Isa sa mga napanood kong pelikula ni Zialcita ang noo'y hindi ko gaanong na-appreciate. Pakiramdam ko ay may tila disconnected parts siya na hindi akma sa aking panlasa. May mga eksena sa aking hindi nagme-make sense at tila pinagkabit-kabit lamang upang maging buo. Kung may saysay man ang lahat ng iyon, lost in translation siya sa akin. Tulad nga ng sabi ng kaibigan kong si Ralph, "Knowing Zialcita, may meaning 'yun," nang itanong ko sa kanya ang isang bahaging hindi ko maintindihan.

Ang pelikulang tinutukoy ko ay ang To Love Again na pinagbibidahan nina Sharon Cuneta at Miguel Rodriquez noong 1983. Makalipas ang ilang taon ay binisita kong muli ito at saka lamang naging malinaw sa akin kung ano ba ang kanyang sinasabi. Tila nagparamdam sa akin si Zialcita at sinabing hinding-hindi siya maglalagay ng mga eksenang walang kabuluhan. Each part makes the whole. The whole is the sum of its parts.

Nagpatiwakal ang pinakamamahal na ama ni Raffy (Sharon) na si Enrico (Dante Rivero). Malaki ang kanyang naging pagkakautang sa negosyo na umabot sa mahigit na pitong milyong piso. Hindi niya matanggap ang dungis na iiwan nito sa kanyang pangalan kaya't mas ninais niyang wakasan na ang kanyang buhay. Ang naiwang maglilinis ng kanyang iniwang kalat ay ang kanyang anak at ang asawa na si Clarita (Liza Lorena).

Left with not much choices, Clarita turned to people whom she thought could help them with their situation. 'Yung mga taong may nag-uumapaw na kayamanan. 'Yung mga taong ituturing na barya lamang ang tulong na ibibigay sa kanila kahit pa milyon-milyon ang pinag-uusapang halaga. Isa sa nilapitan ni Clarita ay si Ramon (Charlie Davao), isang dating manliligaw na hanggang ngayon ay patuloy na umiibig sa kanya. Handa itong iahon siya sa kahihiyan kapalit ang pagpapakasal sa kanya.

Clarita refused to accept the offer. She thinks that it'll bring much shame to her late husband's name if she agrees to marry Ramon. Nilapitan niya ang mag-asawang Lupita (Susan Valdez) at Alfonso (Tony Carreon) who is very much willing to help her only if she agrees to have Raffy marry their son Alberto/Bullet (Miguel). Bilang nagmula sa tinatawag na "nouveau riche" o bagong yaman, hindi lubos na tanggap ang kanilang pamilya ng society. The union of Bullet at Raffy will serve as seal to finally bind them with the so-called "old money" or traditionally rich where Raffy belongs.

L: Ang pakikipagkita ni Clarita kay Ramon | R: Ang pagkikita nina Lupita at Raffy

Ang ganitong tulong ay hindi kusang-loob na binibigay. It is a business transaction where there are exchanges of trades. It is a form of investment kung saan ang tulong na binigay ay babalik din sa oras ng pangangailangan. Kung sa tingin nila ay wala silang pakinabang sa kanilang tutulungan, hindi sila mangingiming tanggihan ito. At kadalasan ay may naninigurong nasa kanya ang upper hand. Na siya ang higit na makikinabang kaysa pakikinabangan. Hindi ito nalalayo sa sinauang pag-iisip o tradisyon (na maging sa ngayon ay sinusunod) na ang kasal ay isang business deal. Rich families get to it to protect their assets (even through marriage with a distant or not so distant relative) while some daughters from less-fortunate families are being "sold" to the man who can afford the family's asking price (e.g. In India daughters are being fed well because healthy girls appeal better to those who can afford them.).

Pumayag si Raffy sa set-up na pinasukan ng ina kahit pa siya may hesitation. But the moment she remembers the words of her father, she runs away. Hindi niya gustong sirain ang paalala sa kanya ng ama na sa karapat-dapat na lalaki lamang siya magpapakasal at hindi niya dapat isakripisyo ang kanyang puso. She left hurriedly without getting the chance to meet Alberto.

Tinanggap ni Raffy ang unang trabaho na dumating sa kanya. Malayo ito sa kanyang ina maging sa kabihasnan. Ito ay sa isang logging camp sa bundok kung saan bruskong mga lalaki ang kanyang makakaharap. Ibang-iba sa kanyang nakagisnang mundo kung saan ang mga lalaki ay pormal at sosyal. But she is not worried. Her father has trained her well. He told her that she is no different to men. Kung ano ang kaya nilang gawin ay kaya niya rin. Hindi hadlang ang kanyang pagiging babae sa maari niyang ma-accomplished. (Isa ito sa tatak-Zialcita kung saan ang mga karakter niya ay pantay-pantay pagdating sa usapang gender.)

Being a sharpshooter, she has proven to men that she is of equal to them if not better.

However, except for the playboy boss who showed interest in her, Raffy is met only with kindness and care from the people around her. Itinuring siyang isang mamahaling kristal at anak-anakan na nangangailangan ng gabay at kalinga. She needed it. She is nursing a broken heart from the sudden loss of her father whom she considers her first love, and Rodolfo (Tommy Abuel) and Raoul (Rodolfo "Boy" Garcia) provided her with the much needed guidance and affection that only a father can give. Sila ang nagsilbing tulay upang tuluyan na siyang maka-move on sa pagkawala ng kanyang ama. Hindi na mahalaga ang side issue na kinakaharap ng naturang kumpanya noong dumating siya sa kanya. (Nagwewelga ang mga kalalakihan dahil hindi dumarating ang supply ng alak nila na siyang karamay nila sa oras na magtapos ang kanilang trabaho.) Ang mahalaga ay ang naibigay nitong comfort sa kanya sa oras ng kanyang pagdadalamhati. Tinulungan siya nito na maka-recover sa disappointment na dulot ng pagkamatay ng ama. At binuksan nito ang kanyang puso sa posibilidad ng pag-ibig muli. (Itong sequences na ito ng pelikula ang hindi ko naintindihan noon. Malinaw na siya sa akin ngayon.)

By some twist of fate, Raffy meets Bullet in the camp. He is shot, and she provides him with the blood needed for his transfusion. But again, she leaves the camp even before he regains his strength.


Bullet, not knowing she is the one whom he is supposed to marry, pursues Raffy. He is a hunter, he says. At parang isang kaakit-akit na bulaklak sa kagubutan, ginawa niya ang lahat ng paraan upang makamtam ito kahit pa siya ay mahirapan. Nagtagumpay naman siya sapagka't napaibig na rin naman si Raffy sa kanya. Ito ay dahil pinatunayan niyang karapat-dapat siya sa pag-ibig ng dalaga: persistent at may respeto sa kanya.

When Raffy learns of her mother's upcoming wedding to Ramon, she comes back to her and agrees to take the marriage deal arranged for her earlier as long as Clarita will not pursue the deal she has with Ramon. Subalit kahiyaan na, ayon kay Clarita. Ang kanyang word of honor naman ang nakataya kung sakaling aatras siya sa pinasukang usapan kay Ramon.

Not knowing that he is the same guy she will marry, Raffy breaks up with Bullet. He easily gave in much to the dismay of Raffy. "Hindi mo man lang ba ako ipagalalaban?" tanong niya. Bullet says no for he knows that no matter what happens, whether Raffy accepts his sudden marriage proposal or not, they will end up together. And so they did!

L: Raffy tells Bullet that she will marry Alberto. | R: Raffy meets Alberto for the first time.

Pantay-pantay man kung ituring ni Zialcita ang iba-ibang kasarian, inilalagay pa rin niya sa pedestal ang mga kababaihan. Mataas ang respeto niya sa kanila at binibigyan ng matinding pagpapahalaga. Hinihinang niya ito na parang ginto, hinuhubog na parang dyamante, at inaalagaan na parang isang mahahaling orchid.

Ang thesis ng To Love Again ay hindi nararapat ang isang lalaki kung hindi niya paghihirapang kamtam ang tinatangi niyang babae. True enough, destined man na magkatuluyan ay hinanap at pinaghirapan pa rin ni Bullet ang pag-ibig ni Raffy. It was love at first sight when he sees her in a bar. He meets her again many days after only to lose her once again. But he is determined to have her. Like a hunter, he finds all possible means to get to her and prove that he is worthy of her. Na siya ang taong nararapat na mag-alaga sa kanya at makapiling habang buhay.

Ganoon din naman si Ramon kay Clarita. For 18 years he didn't stop loving her. He waited patiently until he gets the chance to be with her. Kahit pa sabihing hindi siya minamahal nito, para sa kanya ay ang kanyang pagmamahal ay sapat na para sa kanilang dalawa. Hindi mahalaga ang perang kanyang iluluwal, makapiling lamang ang babaeng pinakamamahal niya. At hindi rin importante kung sabihin man ng iba na bumibili siya ng pagmamahal. And Clarita realizes that. Kaya kahit hindi pa lubos ang kanyang nararamdaman para kay Ramon ay tinanggap na rin niya ang alok na pagmamahal nito.

Sa kaso ni Alfonso, si Lupita ang itinuturing niyang hari ng tahanan. Hindi reyna o kanyang kanang-kamay lamang. Hindi partner o katuwang sa paggawa ng mga desisyon. Kung ano ang kanyang gusto ang siyang masusunod.

To Love Again is a story of about second chances. A second chance at love and at life. Hindi maaaring bumigay nang basta-basta sa buhay sa oras na sa tingin mo ay wala ka nang patutunguhan. Laging may pagkakataong makabangon. Laging masosolusyunan ang mga suliranin. However, Enrico may have given up on life, but he gave second chances to those he loved the most. At ito ang katangi-tanging bagay na naibahagi niya sa kanyang mag-ina.

Wednesday, March 13, 2013

Kilig-kilig to the Bones: Queer-ing Danny Zialcita

Isang queer na pagsusuri sa ilang mga pelikula ng itinuturing kong isa sa mga underrated directors ng pelikulang Filipino na si Danny Zialcita! Hindi malilimutan ng industriya ang mga obrang ginawa mo. Hindi magtatagal ay maihahanay ang galing mo sa mga naunang lumisang auteurs sa iyo. Hinahangaan kita! Ipinagbubunyi kita!

 Nakalulungkot lamang isipin na hindi na kita makakapanayam tungkol sa isa sa mga mahahalagang pelikula ni Mega, ang Dear Heart...
Queer-ing Danny Zialcita from Jek Josue David on Vimeo.