Waikiki (1980)
Elwood Perez
Ang tanging pangarap lamang ni Alicia Alonzo (Idad) ay makapiling ang kanyang pamilya na naunang nagtungo sa Hawaii upang makamit ang magandang buhay. Naiwan siya sa Pilipinas dahil sa TB at nang magkaroon ng pagkakataon na sundan ang pamilya ay hindi siya nagdalawang-isip.
Maraming taon na ang lumipas at hindi niya inaasahan ang malalaking pagbabagong daratnan niya.
Sa piling ng ikalawang anak na si Rio Locsin (Carmela), naranasan niya ang diskriminasyon. Hindi nito magawang ipagtanggol siya sa asawang Hapon na pilit na pinaparamdam sa kanya na hindi siya tanggap sa kanilang tirahan. Andyan pa ang anak nito na apo niya na isang spoiled brat. Hindi niya kinakitaan ito ng paggalang sa kanya, maging sa sarili nitong mga magulang. Pinilit man niyang mapalapit ang loob sa apo ay dalawang sampal ang inabot niya rito. Sa sobrang sakit ng kalooban ay nasaktan niya ang bata. Ikinagalit ito ni Carmela at sinabing hindi sinasaktan ang mga bata sa US. Gawain lamang ito ng mga taong primitibo at walang pinag-aralan.
Hindi na ipinilit ni Alicia ang sarili sa anak. Nagtungo siya sa kanyang bunso na si Lorna Tolentino (Ella) na nadiskubre niyang nagtatrabaho bilang isang sensual dancer. Bilang isang babaeng laki sa Pilipinas, hindi niya ito matanggap. Bukod pa sa katotohanang nakikipag-live in ang anak at walang pakialam na nakikipaglampungan sa kasintahan sa publiko. Pakiramdam niya ay lumaki ng walang moral na itinuturing ang kanyang anak.
Tinungo niya ang tahanan ng pinanabikan niyang asawa na si Raoul Aragon (Juan). Nasawi man sa kanyang mga anak, si Raoul na lamang ang tanging nagsasalba sa kanya sa rurok ng depresyon. Subalit matapos ang mahigpit niyang yakap sa malamig na asawa, isang anak ang sumalubong sa kanya na tumawag ng daddy sa kanyang mister. Matapos ay lumabas ang isang babaeng pinakilala sa kanya bilang "asawa ko ngayon."
Gumuho na ng tuluyan ang mundo ni Alicia. Kung maari lang siyang lamunin ng lupa sa kinatatayuan niya ay ginawa na niya. Halos mabuwal siya sa kanyang pagkakayo. Nang akmang lilisanin na niya ang lugar ay inimbita siya ng "asawa ngayon" na makipagkwentuhan muna. Dagdag saksak pa sa dumurugong puso niya ang di pagkakaalam ng "asawa ngayon" na hindi niya alam ang relasyon nila ni Raoul. Nagkunwari na lamang si Alicia at sinabing gusto lamang niyang dalawin ang "dating asawa."
Hindi pa rito nagtatapos ang kanyang pagdurusa. Ang anak na lalaki ni Raoul sa bagong asawa ay kamukhang-kamukha ng nasira nilang anak na lalaki. At dito pa sa batang ito siya nakakita ng respeto at pagpapahalagang hindi niya nakuha sa sarili niyang mga anak.
Ito ang kinahantungan ng mga pangarap ni Alicia sa Lupa ng mga Pangako. Hinanakit. Pagdurusa. Kamatayan.
Kung ikaw si Alicia Alonzo sa Waikiki, naglaslas ka na siguro ng pulso upang diligin ng dugo ang punyetang Bayan ng Pinya!
(Collage by Jojo DeVera)
Related post:
Jojo DeVera's "Waikiki... Sa Loob at Labas ng Bayan Kong Sawi"
No comments:
Post a Comment