Wednesday, December 05, 2012

Ang Hindi Kaaya-ayang Mukha ng Bading sa Slumber Party (Emmanuel dela Cruz, 2012)

De kahon ang kadalasang paglalarawan sa mga karakter ng mga bading sa pelikula. Kung hindi sila ang mga matalik na kaibigan o kanang-kamay ng mga bida, sila ang ginagawang comic relief kung saan sila ay nagpapatawa o ginagawang katawa-tawa. Minsan pa nga ay nagiging tampulan sila ng panunukso o pangungutya dahil sa kanilang kaibang kilos at gawa.

Sa mga nagdaang panahon, malaki na rin ang pinagbago ng pagsasalarawan sa mga bading lalo na sa mga pelikulang Filipino. Marami sa kanila ang pilit na inilayo ang sarili sa mga stereotypes at binuo ang pagkataong bading ayon sa kanilang sariling kuwento at karanasan, malayo sa minsang one-dimensional na pagtangin ng heterosekswal na lipunan.

Ang Slumber Party ni Emmanuel dela Cruz na isa mga line-up ng Cinema One Originals 2012 ay hindi naiiba sa mga nangahas na bigyang mukha at katauhan ang mga bading. Kung ito ba ay isang pasulong o paurong na pagtatangka ay naaayon na sa kung paano ito tatanggapin ng manonood, straight man o hindi. Subalit mahalagang tanggapin ang bading bilang isang tao. Hindi sila nararapat na ikahon sa kanilang sekswal na orientasyon o gender identity. Dahil dito, katulad din ng mga straight na indibidwal, may kanya-kanya silang pag-uugali na minsa'y kaaya-aya at kung minsa'y hindi katanggap-tanggap.

 RK Bagatsing bilang Phi, Markki Stroem bilang Elle, at Archie Alemania bilang Jhana

Si Elle (Markki Stroem) ay vanidoso at fashionable. Pinapangarap niyang maging isang sikat na fashion designer hindi sa Pilipinas kundi sa ibang bansa sapagka't ayon sa kanya ay mas mataas ang tingin sa mga designers sa ibang bansa kaysa sa sarili niyang bansa. Sa katunayan, sadyang mababa ang pagtingin niya sa kanyang mga kababayan. Mapangmata siya sa mga tinuturing niyang hindi kauri. Mapanghusga siya hindi lamang sa kanyang kapwa kundi maging sa mga matatalik niyang kaibigang sina Phi at Jhana.

Subalit sa likod ng kanyang kayabangan ay nagtatago ang isang insecure na nilalang. Isang taong hindi kampante sa kanyang panglabas na kaanyunan at hindi tanggap ang nagbagong antas sa buhay. Ang mga kapintasang ibinabato niya sa ibang tao ang siya ring mga kapintasang pinalululunok niya sa kanyang sarili.

Si Jhana (Archie Alemania) ay ang tinatawag na freeloader ni Elle sa barkada. Tuwing gimikan at out of town trips ay wala siyang maimbag na pera  dahil hindi ito ang kanyang priority. Ang kanyang pinaghihirapan ay nilalaan niya madalas sa kanyang pamilya at paminsan-minsan sa mga lalaking kanyang binu-booking. Isinasantabi niya ang kanyang kahihiyan sapagka't gusto rin niyang makasama ang mga kaibigan at maranasan ang tinatamasa nila sa buhay na hindi niya magagawa kung aasa lamang siya sa kanyang sarili. Gayumpaman, pagdating sa pakikipagtalik sa mga lalaki ay nagkakasundo sila ni Elle. Tag team pa nga sila kung minsan.

Si Phi (RK Bagatsing) ay lubos na mapagtiwala sa kanyang kapwa. Naniniwala siya sa angking kabutihan ng bawat tao na siya ring nagpapahamak sa kanya. Ang pagtitiwalang ito ay ang kanyang lakas at kahinaan. Tanggap niya ang kabuuan ng kanyang mga kaibigan maging maganda man o pangit ang kanilang ginagawa. Hindi niya sila pinupuna bagkus ay iniintindi at hinahayaan na lamang. Hinihingi niya sila ng kapatawaran sa ibang taong nagawan nila ng kamalian kung kinakailangan at inaako ang responsibilidad sa kanilang nagawa.

Sa kanyang maituturing na mabuting puso ay isang sakit na kanyang nakuha simula pagkasanggol. Isa itong lihim na kanyang pinagkakaingat-ingatan at mariing ikinukubli sa mga kaibigan sa takot na hindi nila ito matanggap.

Ang lihim ng bawat isa at ang sigaw ng kani-kanilang mga damdamin ay unti-unting bumulwak sa isang gabi sana ng kasiyahan kung saan pinagdiriwang nila ang gabi bago ang pagtatanghal ng Miss Universe. Si Ronel (Sef Cadayona), isang heterosekswal na binata, ang hindi inaasahang naging saksi ng mga pangyayari kung saan naranasan niya nang sabay ang kabutihan at kasamaan ng magkakaibigan. Namulat ang kanyang isipan sa kanilang mga pinagdaanan na nakatulong sa kanya upang intindihin at tanggapin ang pait ng kanyang sariling buhay.
  



Malinaw ang mensahe ng Slumber Party tungkol sa tunay na pagkakabigan. Ito ay higit pa sa common thread na nagbibigkis sa bawat isa. Ito ay isang samahan na kung minsan ay mas mahalaga pa sa kani-kanilang pamilya. Flawed man ang kani-kanilang mga karakter ay tanggap nila ang isa't-isa. Dapat ay walang bilangan ng mali. Dapat ay walang kuwentahan ng ambag.

Unconditional love ba itong maituturing? Maaari. Subalit unconditional love pa rin bang maituturing kung bulag ka sa matinding mali na ginagawa ng iyong kaibigan?

Isang matindi at hindi katanggap-tanggap na pangyayari sa pelikula ang tila nakaligtaan 'atang talakayin ng pelikula. Ipinasawalang-bahala ito na tila isa lamang itong hindi mahalagang gawain.

Si Ronel, habang siya ay nakatali sa upuan at nakabusal ang bibig dahil sa tangka niyang pagnanakaw sa bahay nina Phi, ay pinuntahan ni Jhana at pilit na hinalay. Nang makatapos ay dali-daling umalis si Jhana na parang walang ginawang kabalbalan. Nang malaman ito ni Phi ay humingi siya ng kapatawaran kay Jonel at inako ang responsibilidad. Sa kabilang banda, nang malaman naman ni Elle ang pangyayari ay ninais niyang makaisa rin kay Jonel, subalit inambahan na siya ng suntok nito kaya napigilan ang kanyang tangka.

Ang panghahalay ay hindi basta-basta lamang. Hindi ito maaaring tanggapin bilang isang natural at ordinaryong pangyayari lamang sa buhay. Lalaki man o babae o kabilang sa LGBT, bata man o matanda, ay hindi nararapat na  makaranas ng ganitong uri ng pananamantala sa kahit sinuman.

Hindi maikakailang may mga bading na sexual predators (mayroon din namang mga ganito sa mga straights), subalit hindi ito maaaring tanggapin bilang isang normal na gawain. Kailangang mai-address ito bilang isang masamang gawain at hindi dapat pikit-matang tinatanggap. May mga consequences ang mga pangyayari ito lalo na sa mga nagiging biktima nito. Sana ay naisip ng pelikula na ang panghahalay ay hindi isang nakakatawang eksena dahil ang isang krimen ay hindi pinagtatawanan.

Sabi nga sa promo plug ng pelikula, "Okay maging bading." Sumang-ayon ako rito. Subalit hindi okay ang maging bading at rapist! 

Bukod pa rito ay sana naging matapang pa ang pelikula sa pagtalakay ng mga bagay-bagay na ukol sa sakit na HIV. Sa panahon ngayon ay dumadami ang kaso ng mga maysakit na HIV (na nauuwi sa AIDS kung minsan) dahil sa pagiging laganap ng unprotected sex partikular na sa mga homosekswal. Magandang belikulo sana ang pelikula upang maipalaganap ang pag-iingat sa kalusugan at pagbibigay sa sarili sa ibang tao lalo pa't sexually active ang dalawa sa kanilang mga karakter (Elle at Jhana). Bagkus ay tinahak nito ang madaling daan kung saan namana ni Phi ang sakit mula sa kaniyang mga magulang. Siya ay naging isang biktima ng sitwasyon at wala siyang kalaban-laban tungkol dito.

(Ang statistics sa ating bansa kung saan dumarami ang kaso ng HIV sa mga lalaking nakikipagtalik sa mga lalaki ay maaaring hindi reliable. Maaaring dumarami ang MSM [men having sex with men] cases dahil marami sa kanila ang nagpapa-check-up at kaunti lamang sa mga heterosekswal ang nakukuhang magpatingin sa doktor. Hindi maaaring sabihing ang mga homosekswal ang nagpapalaganap ng naturang sakit o sila lamang ang tinatamaan nito.)

Pasulong ba o paurong ang karakterisasyon ng mga bading sa pelikula, kayo na ang humusga.



See related posts:
Ang Mukha ng Bading sa Pelikulang Pilipino sa Bagong Milenyo 
Here, Beki Beki! Come Out, Come Out, Wherever You Are! Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington Film Review